Saturday, May 16, 2009

Adjani Guerrero Arumpac: Sa walai* ng kanyang sining

BINIHAG niya tayo sa kanyang pelikulang Walai (Home) na ipinalabas sa kontrobersiyal na Kontra-Agos Resistance Film Festival noong nagdaang Disyembre.

Mapangahas ang pelikula. Subalit nananatili ang hipo ng sensibilidad sa pagtangan sa kanyang mga karakter. Mapangahas, dahil pinasok niya ang mundo ng apat na babaing uminog ang buhay sa pamosong White House ng Cotabato na pag-aari ng isang datu na nabuhay sa karahasan. Sa unang pelikulang ito, ipinamalas ni Adjani "Jaja" Guerrero Arumpac ang kanyang kahusayan sa pagkukuwento at paglalapat ng mga larawan, ng mga emosyon at kaisipan sa pelikula.

Buhat sa kipil, patungo sa mas malayang paglalarawan ng buhay

"Sinanay ako, nang apat na taon, bilang isang malikhaing manunulat sa Philippines High School for the Arts sa dibdib ng Bundok Makiling sa Los BaƱos, Laguna. Nagsulat ako ng mga dagli. Masyadong kipil. Napakahirap sulatin. Kailangan kong magsulat nang buong ingat. Kailangang piliin mo ang angkop na mga salita. Sumulat ako ng buung-buong mga larawan sa aking mga kuwento. Grapiko. Subalit nadama kong hindi sapat ang mga salita. Noong panahong iyon, nakahihiligan ko rin ang potograpiya. Lagi kong sukbit ang aking lumang-lumang SLR. Doon ko naisip na maganda ang pelikula para sa akin. Pagsasanib ng mga imahen at kasaysayan. Iyon ang naging tuntungan ko para maging isang manlilikha ng pelikula," ani Guerrero.

Iisa ang masasabi mo sa pelikula ni Jaja. Malapit sa puso. Parang laging nakaugnay ang manlilikha sa kanyang nililikha. Karugtong-pusod ng tumitingin, ang tinitingnan. Napakaganda ng Walai dahil mararamdaman mo ang totoong damdamin ng kanyang mga tauhan. Apat na tauhang iba-iba ang pananaw.

"Lahat ng mga gawa ko, nasusulat man o nasalakab ng kamera, laging malapit sa akin. Lumilikha ako batay sa kung ano ang alam na alam ko. Naniniwala akong sa pamamagitan lamang nito ko matatrato nang patas ang mga tauhan sa aking kuwento," paliwanag niya.

Maalamat na kasaysayang pampamilya at mikrokosmo ng lipunang Mindanaw

"Isang alamat ng pamilya ang Walai. Mula pagkabata ko, nakaririnig na ako ng mumunting kuwento hinggil sa kasaysayan ng pamilyang nasa White House. Bukas na lihim ang kanilang kuwento. Nang malaman nilang gumagawa ako ng pelikulang may kinalaman sa kuwento, marami sa pamilya ko ang pumigil sa akin. Natatakot sila para sa kaligtasan ko. Marami kasing takot kay Datu Zekie Sinsuat. Maraming ayaw kay Bai Lily Sinsuat," pagbabahagi niya ng ilang sipat sa kanyang ipinalabas na pelikula noong Disyembre sa Robinson’s Galleria Indiesine.

Untouchable ang istorya. Hindi dapat pinakikialaman, pahiwatig ng 23-anyos na direktor at prodyuser ng Walai. Subalit ipinagpatuloy niya ang nasimulan, at ayon na rin sa kanya, nakaramdam siya ng isang pakiramdam nang pagiging buo dahil nabigyang liwanag ang ilang isyung may kinalaman sa kultura at paniniwalang napapayungan ng madidilim na anino, ng hindi pagkaunawa, nang marami.

Iyon ang mabisa niyang naipakita sa kanyang pelikulang Walai. Sa pamamagitan ng kamera, malaya at buung-buong nasalakab ang mga emosyon. Mga emosyong inilalabas subalit hindi isinisigaw.

Sa pamilya ni Datu Zekie Sinsuat at sa apat na sulok ng nabubulok nang White House, makikita ang isang pamilyar na pangitain ng kung ano ang nagaganap sa lipunan. Mikrokosmo o maliit na representasyon ng kalakhan ng nagaganap sa lipunan, sa maikling paglalarawan.

Paghahanap sa sarili

Bahagi ng isang trilohiya ang Walai, pagsisiwalat ni Jaja. Paghagilap din sa mga piraso ng kanyang pagkatao bilang bunga ng pagsasanib ng dalawang magkaibayong paniniwala at kagawian: Islam at Kristiyanismo.

"Sa ganitong pagtatahi, isinakonsepto ang unang bahagi ng aking trilohiya hinggil sa pinagmulan ko. Una, hinggil sa mga Muslim. Muslim ang tatay ko. Ang ikalawa, hinggil sa mga Kristiyanong naninirahan sa Mindanaw na kinabibilangan ng aking ina. At ang ikatlo, ang produkto ng pagsasanib ng dalawang kultura. Maaaring ang kuwento ng ikatlo ay patungkol sa akin, o sa mga kapatid kong babae, o kahit na sinong may katulad kong karanasan na, masasabi nating interesante ang buhay," paglalahad niya.

Bilang karugtong sa kung saan niya hinuhugot ang kanyang mga kuwento at pinipili ang tauhan sa kanyang kuwento, sinabi niyang sa pamamagitan ng pagtatahi-tahi ng magkakaibayo subalit magkakaugnay na mga karanasan, kultura at katauhan, napipili niya ang magiging mga tauhan sa kanyang kuwento. Gaya nang naganap sa Walai. Ilahahad niya ito nang walang dagdag. Hilaw, subalit sa panlasa ng mga manonood, mananamman ang tunay na lasa at makukuha ang tunay na esensiya ng salaysay, ng kuwentong gustong ipaabot. May kurot sa puso. May pintig sa ugat. May kakaibang katangiang masasabi mong tunay at hindi hinabi buhat sa imahinasyon. Tunay na likhang-Jaja Arumpac.

Hindi niya isinusuka ang mainstream, subalit hindi rin ganap na nilulunok. Hahayaan niyang anurin siya ng agos at kung saang pampang siya mapadpad, gagalugarin niya at lilikha ng mga bakas na hindi mabubura.

Subalit nilinaw niyang hindi niya pinapangarap na mabansagan o maging kilala. Gagawin niya kung ano ang gusto niya sa kanyang sining – sa sariling panahon, sa sariling pamamaraan, at sa sariling kumpas. (First appeared in Pinoy Weekly, January 30, 2008)

*Salitang Maranaw na ang ibig sabihin ay bahay

N.B. This is an attempt to review an alternative film. Hope you liked it.


No comments:

Post a Comment